Sunday, April 29, 2012

Daloy ng Kamalayan

Sapagkat wala akong magawa sa buhay, ito ang aking aatupagin ngayong gabi. Kung ano man ang masulat ko dito ay hindi mabubura maliban na lamang sa pagkakamaling typograpikal.

Andami-dami kong naiisip ngayon na tila hindi ko maintindihan. Una na dito ay ang atraksyon ko sa isang taong malapit sa aking puso. Oo, malapit siya sa aking puso ngunit hindi ko siya iniibig, ata? Kamakailan lamang ay kinausap niya ako tungkol sa plano niya sa kanyang buhay at mga gagawin kapag siya ay nakapagtapos na sa kanyang kurso at ang kanyang sinabi ay gusto niya pa rin akong makasama hanggang sa kaniyang pagtatrabaho; isang bagay na ikinatuwa ko sa di malaman-laman na dahilan.

Isa pang bumabagabag sa aking isipan ay ang enrollment na gaganapin sa lunes. Kasama ako sa mga iregular kung kaya't mas dramatic ang pag-eenroll ko. Kinakailangan kong makuha ang mga asignaturang kailangan ko at hindi ito ganoon kadali.. Kung sa bagay, matagal-tagal pa naman akong mananatili sa La Salle, hindi ko na kailangang masyadong magmadali..

Natuwa ako kahapon. Pumunta siya sa pamantasan kahit na saglit lamang at wala siyang ibang ginawa. Kahit papaano'y nakatutuwang isiping mayroon akong maaaring makausap tungkol sa mga bagay-bagay na may relasyon sa organisasyon nang walang takot at pangamba.. ngunit kailangan ko ring harapin ang realidad na hindi na niya ako matutulungan kapag natapos na ang terminong ito..

Pupunta ako ng Puerto Galera sa miyerkules. Excited na ako dahil hindi pa ako nakakapunta sa ibang lupalop ng ating bansa.. ang pinakamalayong naabot ko ay Ilocos. Pero ngayon, Puerto Galera, here I come!

Ano nga ba ako sa buhay na ito? Sino ako at ano ang magagawa ko? anong legacy ang maiiwan ko kapag umalis ako ng La Salle? ng mundong ito? Ito ang ilan sa mga tanong na bumabagabag sa aking isipan araw-araw.

Ito na lang muna para sa aking Daloy ng Kamalayan dahil ang aking Kamalayan ay unti-unti nang lumilipat sa 9gag. Paalam! :p

No comments: